Replektibong Sanaysay
Pangarap tungong ginhawa
Para kanino ka bumabangon? Karaniwan
natin itong naririnig sa patalastas at marahil, marami ang magsasagot ng “para
sa pangarap” sa tanong na ito. Karamihan sa mga tao ay may pangarap, pangarap
na yumaman, magkaroon ng sariling bahay at sasakyan, pumunta sa iba’t ibang
lugar at umahon sa hirap. Gaya ni Henry Sy Sr., dati siyang taga-ayos ng
sapatos sa tabing kalsada. Ngunit ngayon, isa na siya sa mga matagumpay na
entrepreneur sa ating bansa, at nagmamay - ari ng SM Supermalls. Mahirap makuha
ang pangarap, kailangan mo munang dumaan sa maraming proseso upang unti unti mo
itong makuha. Gaya ng ulam, kailangan mo itong timplahin, lutuin at maghintay
hanggang sa ito’y iyong makain ng masarap.
Isa sa aking hakbang upang matamo ang
aking pangarap ay ang time management. Sa pamamagitan nito, matalino kong
nagagamit ang aking oras sa gawaing paaralan at paglilibang. Inaalam ko kung
ano ang mga dapat gawin at kailangang matapos sa itinakdang oras upang maiwasan
ang paghahabol ng oras. Binibigyan ko ng disiplina ang aking sarili sa
paglalaro ng mobile games dahil nasasayang lang aking oras dito at alam ko na
hindi ko hawak ang takbo ng bawat segundo, kaya’t kailangan itong gamitin ng
maayos. Pangalawa ay ang pagiging determinado araw araw. Sa bawat paggising ko
ng umaga at pagpasok sa eskwela, iniisip ko na kailangan kong maging
determinado upang matupad ang aking pangarap. Iwasang mapanghinaan ng loob
upang magpatuloy sa laban ng buhay at huwag mawalan ng pag – asa. Pangatlo ay
ang laging pag – alala kung bakit ko ito ginagawa? Para kanino ako bumabangon?
Para saan ang lahat ng mga ito? Sa bawat panahon na napapagod ako, iniisip ko kung
para saan ako lumalaban at siyempre, dahil gusto kong maiahon ang aking pamilya
sa hirap. Gusto kong maging propesyunal na inhinyero, makapunta sa iba’t ibang
lugar at mabigyan ng magandang buhay ang aking pamilya. Hindi ako susuko
hangga’t hindi komportable ang buhay ng aking mga mahal sa buhay. Pang – apat
ay ang pag – alaga sa aking sarili. Kung ako ay napapagod, ako ay nagpapahinga
o natutulog at kong alam ko na deserb ko ang isang bagay, ito ay aking kukunin.
Sa bawat hamon ng aking buhay, iniisip ko rin ang aking sarili at iniisip ko
kung saan ako masaya. Hindi ko iniisip ang mga problema dahil alam ko na
lilipas din ito. Panglima ay ang pagkakaroon ng positibong pag – iisip at
pagiging masaya sa tagumpay ng iba. Iniisip ko na ang bawat hakbang na aking
ginagawa ay magiging daan sa aking tagumpay. Kung ako man ay nabigo, ito ay
aking tinatanggap. Dahil alam ko na hindi mahalaga kung ikaw ay nabigo sa isang
bagay, ang mahalaga ay ang aral na natutunan mo dito. Iniiwasan ko ring
ikumpara ang aking sarili sa iba, bagkus ako ay masaya sa tagumpay nila. Ang
pang-anim at huli sa aking hakbang ay ang paghingi ng tulong at pagpapasalamat
sa Diyos. Sa bawat panahon na ako ay malungkot, bigo, pagod, nawawalan ng
pag-asa at may dinadamdam, ako ay humihingi ng tulong at gabay sa Diyos upang
malampasan ang mga hamong ito. Sa bawat pagtulog ko ng gabi at paggising ng
umaga, ako ay nagpapasalamat sa Diyos sa mga biyaya na ipinagkaloob sa akin at
sa mga biyayang aking natatanggap ngunit hindi ko hinihingi.
Lahat ng tao ay may pangarap. Madali
mang sabihin na may pangarap ka, pero mahirap itong makuha. Ngunit hangga’t
nandiyan ang iyong pamilya na iyong inspirasyon at motibasyon, ito ay iyong
makakaya. Magtiwala ka lang sa proseso na iyong ginagawa at huwag kalimutang
magdasal at humingi ng gabay sa Panginoong ating Diyos upang labanan ang mga
hamong iyong hinaharap.