Talumpati tungkol sa kahalagahan ng kultura
“Ang kabataan at kahalagahan ng pagpapahalaga sa
kultura at kasaysayan ng bansa”
Isang makasaysayang hapon sa ating lahat. Ako
si Ryan Rey Cayabyab at ako ay magbibigay ng talumpati sainyo na pinamagatang
“Ang kabataan at kahalagahan ng pagpapahalaga sa kultura at kasaysayan ng
bansa” at bilang mga kaabataan ay nais ko sanang kunin ang inyong atensyon sa
maliit na minuto lamang.
Iniisip siguro ng iba na
bakit pa kailangang pagtuunan ng pansin ang kasaysayan ehh tapos na nga? Mas
mabuti pang isipin natin ang pag-unlad ng kinabukasan; paglago ng teknolohiya
at modernisasiyon ng mundo para sa pagtaguyod ng susunod na henerasyon.
Napakakulay ng ating
kultura na siyang nagbibigay ganda sa ating bansang Pilipinas. Mahalaga ang
kultura dahil ito ang pundasyon sa pagkakakilanlan, kaugalian, at tradisyon ng
isang bansa. Mula pa noong bago tayo sinakop ng mga dayuhan ay napakayaman na ng
ating kultura. Hanggang sa dumating ang mga Espanyol, Amerikano at Hapon ay
nadagdagan na ang ating kultura na siyang nagkaroon ng malaking epekto sa nakagawian,
pamumuhay at relihiyon nating mga Pilipino. Mahalaga rin ang kasaysayan upang
malaman natin ang ating pinagmulan; mga tradisyon, kultura, paniniwala at ang
mga mahahalagang nangyari noon na siyang nagbigay ng malaking ambag sa pag –
unlad ng ating bansa. Sabi nga nila “Kung gusto mong malaman ng eksakto kung
saan ka pupunta, kailangan mo munang maunawaan kung saan ka nagmula”
Ngunit ngayon, hindi
makakaila patuloy na modernisasyon ng mundo. Sa paglipas ng panahon, tila
paunti na nang paunti ang mga Pilipinong nagmamahal sa sarilng kultura at unti
– unti nang nalilimutan ang kasaysayan. Nakakalungkot isipin na karamihan sa
mga nakakalimot nito ay ang mga kabataan na siyang tinuringang pag – asa ng
bayan. Walang masama sa pagtangkilik ng kultura ng mga dayuhan, dahil sa pag –
usbong ng makabagong teknolohiya gaya ng internet at tayo ay nasa henerasyon na
kung tawagin ay “Millennial”. Ngunit sana, sa kabila ng pagbabagong ito ay
huwag nating kakalimutan ang ating pinagmulan, ang ating pagkakakilanlan, ang
ating kultura’t, kasaysayan. Irespeto ang kultura at paniniwalang kinagisnan ng
iba at patuloy na yakapin ang mga tradisyon at kaugalian na ipinasa mula pa sa ating
mga ninuno gaya ng panunuod ng mga katutubong sayaw, pagtangkilik sa gawang
Pilipino, paggamit ng wikang Filipino at marami pang iba.
Bilang kabataan sa
kasalukuyan, may magagawa tayo upang mapreserba ang kulay at ganda ng ating
kultura’t kasaysayan at maipakita ang kahalagahan at pagpapahalaga nito. Sa
simpleng pag upload ng mga larawan at mga video ng may buong pagmamalaking
nagpapapakita ng mga gawang katutubo ay maaring maging daan ito sa pagpapalawak
ng ating kultura. Sa simpleng paggawa ng mga tula at sanaysay tungkol sa ating
kasaysayan, paggawa ng biograpiya ng ating bayani at pagpopost nito sa mga
Social Media sites upang maipakita kung gaano kahalaga ang ating kasaysayan sa
kapwa natin Pilipino pati narin sa mga dayuhan.
Panatilihin nating
buhay ang ating kultura’t kasaysayan upang hindi ito malimutan at maipamana pa
ang ating makulay na pagkakakilanlan sa susunod na henersasyon. Huwag sanang
balewalahin ang kasaysayang hinulma ng ating mga ninuno mula sa kanilang
talino, pawis at dugo. Tapos na ang tungkulin ng ating mga ninuno sa ating
bansa. Tayong mga kabataan naman ang magdidikta kung ano ang magiging
kahihinatnan ng ating kinabukasan. Sana, bilang kabataan ay patunayan natin na
tayo parin ang pag – asa ng bayan. Mabuhay ang ating kultura! Mabuhay ang ating
kasaysayan! Mabuhay tayong mga kabataan!